Friday, August 21, 2009

Mga Awit Para Sa Buwan Ng Wika: Ikalawang Bahagi (Ano Ba Ang Makabuluhang Pagmamahal?)

Katulad ng aking pangako ay inihahandog ko ang pangalawang bahagi ng ating tugtugan.

Kasama sa aking handog ang isang tanong na magpasahanggang ngayon ay walang tiyak na kasagutan para sa akin.

Ano ba ang makabuluhang pagmamahal? (To rephrase in a more universally spoken language, what is a purposeful kind of love?)

Itinatanong ko ito sapagkat maraming uri ng pagmamahal, maraming nag-aakala na makabuluhan ang kanilang pagmamahal, at maraming nagiging biktima ng inaakala nilang pagmamahal.

Tunay nga bang pagmamahal ang maging mapagpatawad sa ama, ina, o asawang nambubugbog?

Pagmamahal nga ba ang tawag kung gusto lang wakasan ng isang kaibigan ang inyong pagtatalo na walang naging tiyak na kalutasan, dahil ayaw lang niya ng diskusyon?

Paano ba ang magmahal sa bayan kung ito ay salamin ng kalabisan at kawalang-bahala ng kanyang mga supling?

Lubos ka bang nagmamahal kung handa kang mamatay para sa iyong paniniwala, o isa ba itong kahibangan o dili kaya ay kakulangan sa pagmamahal sa sarili?

Paano ba ang magmahal sa mga bagay na hindi nakikita ng iyong mga mata o nararamdaman ng iyong puso?

Katulad ng aking tinuran, mahirap sagutin ng tumpak ang mga tanong na ito. Isa ito sa mga "doble-karang" katotohanan ng buhay: totoong mahirap sagutin ang anumang katanungan tungkol sa pagmamahal, subalit kailangan pa ring magkaroon ng katanggap-tanggap na kasagutan. Dahil kung wala .... marahil ay lagi na lamang luhaan ang buong sanlibutan, at malamang, kahit saan ka bumaling ay bumabagyo, o umuulan ng niyebe, at wala kang masilungan.

At ano naman ang kinalaman nito sa Buwan ng Wika?

Ang isa pa kasi sa mga katanungan ko ay: paano ba ang magmahal sa sariling wika, kung sa totoo lamang ay hindi pa rin tunay na matukoy kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng wikang Pilipino?

Lahat tayo ay may kanya-kanyang sagot diyan, subalit huwag nating kalimutan na isa itong paulit-ulit na isyu lalo pa kung tuwing sumasapit ang Buwan Ng Wika.

Eto ang mga awit para sa mga nagmamahal, para sa Buwan ng Wika. At para sa mga tagahanga ni G. Mel Maniego, ikinatutuwa kong sabihin sa inyo na kasama sa listahang ito ang isa sa mga orihinal na awit ng kanyang bandang The GoSignals, ang "Elisa". Makinig kayo!

1. POPONG LANDERO - "Buhay-Robot"
2. t.R.A. - "Kamalayan"
3. SIGNAL 3 - "Buhay Ko"
4. DONG ABAY - "Akrostik"
5. EINSTEIN CHAKRAS - "Hanggang Saan, Hanggang Kailan"
6. THE GOSIGNALS - "Elisa"

(nasa larawan: monumento ni Ninoy Aquino sa rally para kay Jun Lozada, The GoSignals)

3 comments:

xtin said...

ano nga ba ang makabuluhang pagmamahal? malalim na palaisipan... gusto kong sabihing baka pwedeng "in moderation" ... kaso madaling sabihin, mahirap gawin.

Marika and friends said...

para rin palang alkohol ang pagmamahal. meron ayaw uminom, merong walang puknat kung lumaklak. dapat nga talaga in moderation :)))

merkat said...

Hi! I've read your comment on Jarminator's blog, and I'm very happy to see that you're planning to come to Belgrade. There are tourists from Asia in Belgrade, it is not dangerous to travel here and people are opened toward foreigners, especially tourists.
If you want to learn more about Belgrade, you can check out my Blog http://merkat-traveler.blogspot.com/ There you can find a lot info about Belgrade, and there will be more to come. If you have any questions, you can post a comment on my blog, and I'll be happy to help you.